20 20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang
anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang
kanyang kahilingan. 21 “Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus. Sumagot
siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang
dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22 “Hindi ninyo
nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Kaya ba
ninyong tiisin ang hirap na malapit ko nang danasin?” “Opo,” tugon nila.
23 At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko.
Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan
at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking
Ama.”
24
Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25
Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa
kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay itinataas ang
kanilang sarili bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga
nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 26 Hindi ganyan ang dapat
umiral sa inyo. Sa halip, kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong
maging lingkod sa iba, 27 at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging
una, ay dapat maging alipin ninyo.
Lucas
Chapter 12:41-48
Ang Tapat at Di-Tapat na Alipin
12
41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang
talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” 42 Sumagot ang
Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang
katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang
magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43
Pinagpala ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng
kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang
panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng
aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking
panginoon,’ bubugbugin niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae,
at siya'y kakain, iinom at maglalasing, 46 darating ang kanyang
panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam.
Buong lupit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at isasama sa mga
suwail. 47 “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon
ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan
nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng
kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay
paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay
hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay
pananagutin ng lalong marami.”
Lucas
Chapter 16:1-13
Ang Talinghaga Tungkol sa
Tusong Katiwala
16
1 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may
isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang
ari-arian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba
itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat ng iyong
pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3 Sinabi
ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng
aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya
naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako
sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5
Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong
niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6 Sumagot ito,
‘Isandaang tapayang langis po.’ Kaya sabi ng katiwala, ‘Heto ang
kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong
limampu.’ 7 At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’
Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong
pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8 Pinuri ng amo ang
madayang katiwala dahil sa katusuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga
makasanlibutan ay mas tuso kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay
ng mundong ito.”
9
At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo,
gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa
inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa
tahanang walang hanggan. 10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay
mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na
bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo
mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala
sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan
sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa
inyo?
13
“Walang aliping maaaring maglingkod sa dalawang panginoon sapagkat
kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang
tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod
sa Diyos at sa kayamanan.”
Galacia
Chapter 6:1-10
Magtulungan sa Pagdala
ng Pasanin
6
1 Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong
pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo
iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. 2
Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan
ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo. 3 Kung inaakala ninyong
kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang
inyong sarili. 4 Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang
kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing
pa iyon sa gawa ng iba, 5 sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng
kanyang sariling dalahin.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo.
7
Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang
Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Ang
nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa
laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang
hanggan. 9 Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat
pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10
Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng
tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Filipos
Chapter 2:1-11
Ang Halimbawang
Iniwan ni Cristo
2 1 Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong
kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong
kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, 2 lubusin ninyo ang
aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa
iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. 3 Huwag kayong gumawa
ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang
tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga
sarili. 4 Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang
sa inyong sarili. 5 Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay
Cristo Jesus.
6
Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos, hindi niya ipinagpilitang
manatiling kapantay ng Diyos. 7 Sa halip, kusa niyang binitawan ang
pagiging kapantay ng Diyos, at namuhay na isang alipin. Ipinanganak siya
bilang tao. At nang siya'y maging tao, 8 nagpakumbaba siya at naging
masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus. 9
Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos, at binigyan ng pangalang
higit sa lahat ng pangalan. 10 Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod
at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng
lupa. 11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa
ikaluluwalhati ng Diyos Ama. 12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng
inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong
maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong
maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at
pag-ibig sa Diyos,
1Pedro
Chapter 2:1-10
Ang Batong Buhay at ang
Bayang Hinirang
2
1 Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng
pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. 2 Gaya ng
sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago
kayo tungo sa kaligtasan, 3 sapagkat “Naranasan na ninyo ang kabutihan
ng Panginoon.” 4 Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng
mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. 5 Tulad
ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal.
Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga
handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni
Jesu-Cristo, 6 sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Tingnan ninyo,
inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
7
Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit
sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito: “Ang batong
itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging
batong-pundasyon.” 8 At “Ito ang batong katitisuran ng mga tao, batong
ikadadapa nila.” Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng
Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.
9
Ngunit kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang
hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga
kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman
patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y hindi bayan ng
Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi
kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang
habag.
No comments:
Post a Comment