4 32 Nagkaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at
di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi
para sa lahat. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay
patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong
Jesus. At ang masaganang pagpapala ay tinaglay nilang lahat. 34 Walang
kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o
bahay, at ang pinagbilhan 35 ay ipinagkakatiwala nila sa mga apostol.
Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
36
Ganoon ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus, na tinawag ng
mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihi'y “Anak ng
Pagpapalakas-loob.” 37 Ipinagbili niya ang kanyang bukid at
ipinagkatiwala sa mga apostol ang pinagbilhan.
2Corinto
Chapter 9:1-15
Tulong sa mga Kapatid
9 1 Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa
mga kapatid sa iglesya. 2 Alam kong handa na kayong tumulong, kaya't
ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na
kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon, at dahil dito'y lalo
silang sumigla sa pagtulong. 3 Kaya't pinapapunta ko riyan ang mga
kapatid na ito upang mapatunayang tama ang aming pagmamalaki tungkol sa
inyo, at nang maihanda na ninyo ang inyong tulong, gaya ng sinabi ko. 4
Kung hindi, kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at makita
nilang hindi pala kayo handa, baka mapahiya ako at pati kayo. 5 Kaya't
pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang
tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, makikita na talagang kusang-loob
ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan.
6
Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng
kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami. 7 Ang bawat
isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi
napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may
kagalakan. 8 Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at
higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa
mabubuting gawa. 9 Tulad ng nasusulat, “Siya'y masaganang nagbibigay sa
mga dukha; ang kanyang kabutihan ay walang hanggan.”
10
Ang Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang
siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang
magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. 11 Pasasaganain niya
kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon,
lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na
dadalhin namin sa kanila. 12 Ang paglilingkod ninyo upang tumulong sa
mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan,
kundi magiging dahilan pa ng nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa
Diyos. 13 Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang
siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni
Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. 14 Kaya't buong
pagmamahal nila kayong ipapanalangin, dahil sa di-masukat na
kagandahang-loob ng Diyos sa inyo. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang
kaloob na walang kapantay!
Hebreo
Chapter 13:1-18
Paglilingkod na Nakakalugod
sa Diyos
13 1 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. 2
Palaging maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang
bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa
kanilang kaalaman. 3 Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang
kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga
pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon. 4 Dapat
ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa
isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at
nangangalunya.
5
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa
inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” 6
Kaya't malakas ang loob nating masasabi, “Ang Panginoon ang tumutulong
sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
7
Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng
salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo
ang kanilang pananampalataya. 8 Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya
rin ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong patangay sa mga sari-sari
at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating
kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa
pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa
pagkain.
10
Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay
hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang dugo ng
mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan
upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga
hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si
Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang
kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa
kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14
Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap
natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't] lagi tayong mag-alay ng
papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa
ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan.
16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa
kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
17
Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga
sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin
ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi,
sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.
18
Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at
hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon.
Mateo
Chapter 24:45-51
Ang Tapat at Di-tapat na Alipin
24 45“Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala
ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang
oras? 46 Pinagpala ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na
naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! 47 Sinasabi ko sa
inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga
ari-arian nito. 48 Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya
sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’
49 Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang kanyang kapwa alipin, at
makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Babalik ang
panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na
hindi niya alam. 51 Bibigyan siya ng kanyang panginoon ng matinding
parusa,+ at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis
siya at magngangalit ang ngipin.”
No comments:
Post a Comment