THEME: MAGPAKABAYANI AT ,MAGSAKRIPISYOSA PAGLILIGTAS NG MARAMI KAGAYA
NG PANGINOONG JESU CRISTO
"Pinalaya tayo ni Cristo upang manatiling malaya. Magpakatatag nga kayo at huwag nang paalipin pang muli." Galacia 5:1
Ako
ang mabuting pastol, Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya'y
nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako
nama'y nakikilala nila. At omoaalay ko ang aking buhay para sa mga
tupa. Dahil dito\u minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking
buhay, upang kunin itong muli." Juan 10:14-15, 17
"Sa
pamamagitan ng mga pagtitiis, siya'y pinapaging ganap ng Diyos na
lumikha at nangalaga sa lahat ng bagay, upang makapagdala ng marami sa
kaluwalhatian." Hebreo 2:10
"Ang
pagtiis ng hirap ay bahagi ng pagkahirang sa inyo ng Diyos; sapagkat
nang si Cristo ay magtiis oara sa inyo, binigyan niya kayo ng
halimbawang dapat tularan." 1Pedro 2:21
"Magpakasakit ka tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. " 2Timoteo 2:3
"Isinuong
niya sa panganib ang kanyang buhay sa pagpapagal alang alang kay Cristo
nang siya ay maglingkod sa akin sa halip na kayo." Filipos 2:30
Galacia
Chapter 5:1-15
Manatiling Malaya
5 1 Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!
2
Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo,
binabaliwala ninyo si Cristo. 3 Binabalaan ko ang lahat ng taong
nagpapatuli, tungkulin nilang sumunod sa buong Kautusan. 4 Kayong
nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan,
inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at napalayo kayo sa
kagandahang-loob ng Diyos. 5 Kami'y umaasa na magiging matuwid sa
pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu. 6
Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang
isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang gumagawa
sa pamamagitan ng pag-ibig.
7
Maganda na sana ang inyong pagtakbo. Sino ang humarang sa inyong
pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi kayo hihikayatin ng ganyan ng Diyos na
tumawag sa inyo. 9 Ang sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang
buong masa ng harina.” 10 Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa
bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong
paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo. 11 Mga kapatid,
kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa
ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila
ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa
krus. 12 At ang mga nanggugulo sa inyo ay huwag lamang patuli kundi
tuluyan na nilang putulan ang sarili nila.
13
Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman
ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman,
kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat ang
buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong
kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayo'y
nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka
tuluyan ninyong sirain ang isa't isa.
Juan
Chapter 10:1-21
Si Jesus ang Mabuting Pastol
10
7 Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang
dinaraanan ng mga tupa. 8 Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga
tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako ang pintuan.
Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't
lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para
lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay
magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.
11
“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay
para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na
asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at
hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga
ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at
walang malasakit sa mga tupa. 14 Ako nga ang mabuting pastol. Kung
paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko
ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking
buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala
pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at
papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan
na may isang pastol.
17
“Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking
buhay upang ito'y kunin kong muli. 18 Walang makakakuha ng aking buhay;
kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at
mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y
tinanggap ko mula sa aking Ama.”
19
Dahil sa mga pananalitang ito, nagkabaha-bahagi muli ang mga Judio. 20
Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo! Nababaliw
siya! Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Sinabi naman ng iba, “Hindi
makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo!
Nakakapagpagaling ba ng bulag ang demonyo?”
Hebreo
Chapter 2:5-18
Ang Tagapanguna sa Kaligtasan
2
5 Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang
lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. 6 Sa halip ay ganito ang
sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:
“Ano
ba ang tao upang iyong pahalagahan, o ang anak ng tao upang iyong
pangalagaan? 7 Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa
mga anghel, pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo
siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha] 8 at ipinasakop mo sa
kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”
Nang
ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang
bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin
nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. 9
Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas
mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian
dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos
sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa
lahat. 10 Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng
Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa
kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at
nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng
kanilang kaligtasan.
11
Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga
taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga
kapatid. 12 Sinabi niya sa Diyos, “Ipapahayag ko sa aking mga kapatid
ang iyong pangalan, sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”
13 Sinabi rin niya, “Ako'y mananalig sa Diyos.” At dugtong pa niya, “Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”
14
Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus
at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan
ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may
kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan
ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng
takot sa kamatayan. 16 Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa
halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya
sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang
Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at
nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At
ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay
tinukso at nagdusa.
1Pedro2
18 Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo at igalang ninyo sila,
hindi lamang ang mababait at mapagbigay kundi pati ang malulupit. 19
Sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan,
bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. 20 Maipagmamalaki ba ang
magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit
kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti,
pagpapalain kayo ng Diyos. 21 Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng
pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa
inyo, nag-iwan siya sa inyo ng isang halimbawa na dapat ninyong lubos na
tularan. 22 Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling
kailanman. 23 Nang siya'y insultuhin, hindi siya gumanti ng insulto.
Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya
ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. 24 Sa kanyang
pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan upang tayo'y
mamatay na sa kasalanan at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa
pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo'y pinagaling. 25 Sapagkat kayo ay
tulad ng mga tupang naligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang
sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.
2Timoteo
Chapter 2:1-13
Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus
2 1 Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa tulong ng kagandahang-loob ni
Cristo Jesus. 2 Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi
ay ipagkatiwala mo rin sa mga taong may katapatan at may kakayahang
magturo naman sa iba. 3 Makibahagi ka sa hirap tulad ng isang mabuting
kawal ni Cristo Jesus. 4 Ang isang kawal ay hindi nagiging abala sa mga
bagay na walang kaugnayan sa pagiging kawal; sa halip, sinisikap niyang
mabigyan ng kasiyahan ang kanyang pinuno. 5 Hindi maaaring gantimpalaan
ang isang manlalaro kung hindi siya naglalaro ayon sa mga alituntunin. 6
Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti ang siyang dapat unang makinabang
sa bunga ng kanyang pinaghirapan. 7 Isipin mong mabuti ang sinasabi ko
sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito. 8 Alalahanin
mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David,
ayon sa Magandang Balitang ipinapangaral ko. 9 Ito ang dahilan ng aking
pagdurusa at pagkagapos na parang isang kriminal. Subalit hindi
kailanman maigagapos ang salita ng Diyos. 10 Tinitiis ko ang lahat ng
bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng
kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian mula kay Cristo Jesus. 11
Totoo ang kasabihang ito: “Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
mabubuhay din tayong kasama niya. 12 Kung tayo'y nagtitiis ng hirap sa
mundong ito, maghahari din tayong kapiling niya. Kapag itinakwil natin
siya, itatakwil rin niya tayo. 13 Kung tayo man ay hindi tapat, siya'y
nananatiling tapat pa rin sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang
kanyang sarili.”
Filipos
Chapter 2:19-30
Sina Timoteo at Epafrodito
2 19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko agad riyan si
Timoteo upang mapanatag ang aking loob kapag aking malaman mula sa kanya
ang inyong kalagayan. 20 Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa
aking damdamin at pagmamalasakit para sa inyong kapakanan. 21 Ang
inaatupag lamang ng iba ay ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay
Jesu-Cristo. 22 Kayo na rin ang nakakaalam sa katapatan ni Timoteo.
Kasama ko siya sa pangangaral ng Magandang Balita. Tinulungan niya ako
tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama. 23 Kaya, binabalak kong
papuntahin siya riyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko
rito. 24 Subalit ako'y umaasa, sa tulong ng Panginoon, na ako rin ay
makakapunta riyan sa lalong madaling panahon.
25
Inisip kong kailangan nang papuntahin diyan ang ating kapatid na si
Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo
ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong sa akin. 26
Sabik na sabik na siya sa inyong lahat. Nag-aalala siya dahil nabalitaan
ninyong nagkasakit siya. 27 Totoong siya'y nagkasakit at muntik nang
mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi
pati ako, upang huwag nang madagdagan pa ang aking kalungkutan. 28 Kaya
nga, nais kong makapunta na siya riyan sapagkat alam kong matutuwa
kayong makita siyang muli. Sa gayon, mawawala na ang aking kalungkutan.
29 Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na
lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya. 30
Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo;
itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan
ang hindi ninyo kayang gampanan.
No comments:
Post a Comment