Colosas
Chaoter 1:3-14
Pananalangin ng Pasasalamat
1
3 Tuwing ipinapanalangin namin kayo, lagi kaming nagpapasalamat sa
Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Sapagkat nabalitaan
namin ang inyong pananalig kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa
lahat ng hinirang ng Diyos, 5 dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na
inihanda para sa inyo sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa pag-asang
ito nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang
Balita na dumating sa inyo. 6 Ito'y lumalaganap at nagdadala ng
pagpapala sa buong daigdig, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig
at maunawaan ninyo ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.
7 Natutunan ninyo ito kay Epafras, ang aming kamanggagawa, isang tapat
na lingkod ni Cristo at kinatawan ninyo. 8 Sa kanya namin nalaman ang
inyong pag-ibig na naaayon sa Espiritu.
9
Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa
Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban,
sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa
gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa
Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang
inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya
kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na
masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong
magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo sa mga
pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag.
13
Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa
kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa pamamagitan niya ay
napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa
pamamagitan ng kanyang dugo.
Hebreo
Chapter 11:1-40
Ang Pananalig sa Diyos
11 1 Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga
inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. 2
Kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong unang panahon dahil sa kanilang
pananampalataya.
3
Dahil sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay
nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita
ay ginawa mula sa mga hindi nakikita.
4
Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting
handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang
matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na,
nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
5
Dahil sa pananampalataya, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan.
Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa
kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. 6
Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya,
sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may
Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.
7
Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos
tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa
siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay
maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe
ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos.
8
Dahil sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng
Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga
siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. 9 Dahil din sa
kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang
ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina
Isaac at Jacob na tumanggap ng ganoon ding pangako. 10 Sapagkat umasa si
Abraham ng isang lungsod na may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo
ang nagplano at nagtayo.
11
Dahil din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang
maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na
maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang
pangako. 12 Kaya't sa isang taong maituturing na halos patay na ay
nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng di
mabilang na buhangin sa dalampasigan.
13
Silang lahat ay namatay na may pananampalataya. Hindi nila nakamtan ang
mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo at
itinuring na natanggap na nila. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan
lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. 14 Ipinapakilala ng mga taong
nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. 15 Kung
nasa isip nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon
pa sana silang makabalik doon. 16 Ngunit ang hinahangad nila'y isang
lungsod na higit na mabuti, ang lungsod na nasa langit. Kaya naman hindi
ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y
ipinaghanda niya ng isang lungsod.
17
Nang subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa
kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang
inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos
18 na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. 19 Naniwala siya na
kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinghagang pangungusap,
naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
20 Dahil sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.
21
Dahil sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang
anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at
sumamba sa Diyos.
22
Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang
mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at
ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang
pag-alis.
23
Dahil sa pananampalataya, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot
na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol,
itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24
Dahil sa pananampalataya, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang
sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. 25
Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa
magtamasa ng mga panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring
niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa
ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa
mga gantimpala sa hinaharap.
27
Pananampalataya din ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto nang
hindi natatakot sa galit ng hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat
para niyang nakita ang Diyos. 28 Dahil din sa pananampalataya, itinatag
niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang
pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa
ang kanilang mga panganay.
29
Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula
na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga
Egipcio nang ang mga ito'y tumawid.
30
Dahil sa pananampalataya ng mga Israelita, gumuho ang pader ng Jerico
matapos silang maglakad sa palibot nito nang pitong araw. 31 Dahil sa
pananampalataya, si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw, ay hindi
napahamak na kasama ng mga ayaw sumunod sa Diyos, sapagkat malugod
niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita.
32
Magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang
tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga
propeta. 33 Dahil sa pananampalataya, nagwagi sila laban sa mga
kaharian, nagpatupad ng katarungan, at nagkamit ng mga ipinangako ng
Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34 napatay ang naglalagablab na apoy,
at nakaligtas sila sa mga talim ng tabak. Sila'y mahihina ngunit
binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang
hukbo ng mga dayuhan. 35 Dahil sa pananampalataya, ibinalik sa ilang mga
babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa pamamagitan ng
muling pagkabuhay.
May
mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa
pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36
Mayroon namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ikinadena at
ibinilanggo. 37 Ang iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa,
[tinukso], at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at
kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. 38 Hindi
karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at
kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.
39
At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila ng isang
kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito,
bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay
hindi tumanggap ng ipinangako, 40 sapagkat may mas magandang plano ang
Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama
tayo.
THE WISDOM BOOKS AND
EVANGELIZATIONS
No comments:
Post a Comment