12 44 Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi
lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang
nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Ako'y
naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag
manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng
aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako
naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May
ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang
salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw.
Roma
Chapter 13:8-14
Tungkulin sa Kapwa
13 8 Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y
magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad
na sa Kautusan. 9 Ang mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag
kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin
ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing
lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa
iyong sarili.” 10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman,
kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.
11
Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang
pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y
unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit
nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at
italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. 13 Mamuhay tayo sa
liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at
paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. 14 Gawin
ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong
pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.
Roma
Chapter 14:13-23
Huwag Maging sanhi ng Pagkakasala
ng Iyong Kapatid
14
13 Huwag na tayong humatol sa isa't isa. Huwag rin tayong maging
dahilan ng pagkatisod o pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil sa aking
pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas
na marumi. Ngunit kung ang sinuman ay naniniwalang marumi ang anumang
bagay, marumi nga iyon sa kanya. 15 Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay
natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo.
Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa
iyong kinakain. 16 Pag-ingatan mong ang inaakala mong mabuti ay huwag
masamain ng iba. 17 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa
pagkain o inumin; ito ay tungkol sa matuwid na pamumuhay, kapayapaan, at
kagalakan na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo. 18 Ang naglilingkod kay
Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at
iginagalang ng mga tao.
19
Kaya't lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng
kapayapaan at makakapagpalakas sa isa't isa. 20 Huwag ninyong sirain
ang ginawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis
at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa
iyong kinakain. 21 Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng
alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid.
22 Ikaw at ang Diyos lamang ang dapat makaalam ng iyong paniniwala
tungkol sa bagay na ito. Pinagpala ang taong hindi sinusumbatan ng
kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang
tama. 23 Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang
pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa
kanyang paniniwala. Ang paggawa ng anuman na labag sa sariling
paniniwala ay kasalanan.
Galacia
Chapter 6:1-10
Magtulungan sa
Pagdadala ng Pasanin
6 1 Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong
pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo
iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. 2
Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan
ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo. 3 Kung inaakala ninyong
kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang
inyong sarili. 4 Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang
kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing
pa iyon sa gawa ng iba, 5 sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng
kanyang sariling dalahin.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo.
7
Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang
Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Ang
nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa
laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang
hanggan. 9 Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat
pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10
Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng
tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Mateo
Chapter 25:31-46
Ang Paghuhukom
25 31 “Sa maluwalhating pagdating ng Anak ng Tao, kasama ang lahat ng
anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Tipunin sa
harapan niya ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang
pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga
kambing. 33 Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa
naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan
niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin
ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35
Sapagkat ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at
ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y
hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw,
nabilanggo at inyong pinuntahan.’ 37 “Sasagot ang mga matuwid,
‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o
nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming
pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo
nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’ 40
“Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak
sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’
41
“Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko,
kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para
sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako
pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y
nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi
ninyo ako dinamitan noong ako'y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong
ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’ 44 “At sasagot din
sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang
matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo
tinulungan?’ 45 “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang
pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang
inyong pinagkaitan.’ 46 Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang
hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.”
THE WISDOM BOOKS AND
EVANGELIZATIONS
No comments:
Post a Comment