Lucas
Chapter 8:22-25
Pinatigil ni Jesus ang Unos
8 22 Isang araw, sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kanyang mga
alagad. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga
ang ginawa nila. 23 Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus.
Bumugso ang isang malakas na unos at ang bangka ay pinasok ng tubig,
kaya't sila'y nanganib na lumubog. 24 Nilapitan siya ng mga alagad at
ginising. “Panginoon, Panginoon, mamamatay tayo!” sabi nila. Bumangon si
Jesus at sinaway ang hangin at ang malalaking alon. Tumahimik ang mga
ito at bumuti ang panahon. 25 Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang
inyong pananampalataya?” Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila
sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang
tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!”
Juan
Chapter 14:1-14
Si Jesus ang Daan
14
1 “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos,
sumampalataya din kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming
silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon
upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? 3 At kapag naipaghanda ko
na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y
makapiling ko kung saan ako naroroon. 4 At alam na ninyo ang daan
patungo sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi
po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”
6 Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.
Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako'y kilala
ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo
siya at inyo nang nakita.”
8
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama
at masisiyahan na kami.” 9 Sumagot si Jesus, “Kay tagal na ninyo akong
kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa
akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang
Ama’? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa
akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na
nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala
kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong
maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12
Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa
ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At
anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin
ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa
pangalan ko, ito ay aking gagawin.”
Roma
Chapter 10:5-21
Ang Kaligtasan ay
Para sa Lahat
10 5 Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay
sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” 6
Ngunit ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa
pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat
sa langit?’” upang pababain si Cristo. 7 “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino
ang bababâ sa kailaliman?’” upang muling buhayin si Cristo.
8
Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong
bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang
ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. 9 Kung ipahahayag ng
iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na
siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat
sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay
itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan
ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi nga ng kasulatan,
“Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Kaya't
walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon
ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa
kanya, 13 dahil sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng
tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
14
Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya?
Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa
kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila?
15 At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad
ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala
ng Magandang Balita!” 16 Ngunit hindi lahat ay sumunod sa Magandang
Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa
aming ibinalita?” 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig,
at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo. 18
Subalit ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y
nakapakinig! Sapagkat nasusulat, “Abot sa lahat ng dako ang kanilang
tinig, ang sinasabi nila'y nakarating hanggang sa dulo ng daigdig.” 19
Ito pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel?
Noon pa man ay sinabi na ni Moises, “Gagamitin ko ang mga taong di man
lamang isang bansa upang kayo'y inggitin, gagamitin ko ang isang bansang
hangal upang kayo'y galitin.” 20 Buong tapang namang ipinahayag ni
Isaias, “Natagpuan ako ng mga hindi naghanap sa akin. Nagpahayag ako sa
mga hindi nag-usisa tungkol sa akin.” 21 Subalit tungkol naman sa Israel
ay sinabi niya, “Buong maghapon akong nanawagan sa isang suwail at
mapaghimagsik na bayan!”
1Corinto
Chapter 10:1-17
Babala Timglp; sa Doyudiyusan
10 1 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga
ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa
kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. 2 Sa gayon,
nabautismuhan silang lahat sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni
Moises. 3 Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, 4 at
uminom din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong
espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. 5
Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't
nagkalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.
6
Ang lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong
maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. 7 Huwag kayong
sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa
nasusulat, “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo
upang magsayaw.” 8 Huwag tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa
kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang
ng isang araw. 9 Huwag nating susubukin si Cristo, gaya ng ginawa ng
ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. 10 Huwag
din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman
sila ng anghel na namumuksa.
11
Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo
namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan. 12 Kaya't
mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya
mabuwal. 13 Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan
ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y
subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok,
bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang
malampasan ito.
14
Kaya nga, mga minamahal, iwasan ninyo ang pagsamba sa mga
diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matatalinong tao; husgahan
ninyo ang sinasabi ko. 16 Hindi ba't ang pag-inom natin sa kopa ng
pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo?
At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi
naman sa kanyang katawan? 17 Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay,
tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo
tayo sa iisang tinapay.
Santiago
Chapter 5:7-21
Pagtitiyaga at Panalangin
5 7 Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng
Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay
ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng
tag-ulan. 8 Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob
sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
9
Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo
hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga
kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng
Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi nating
pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol
sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang
huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.
12
Ngunit higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag
ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.”
Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang
hindi kayo hatulan ng Diyos.
13
May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba
ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May sakit ba ang sinuman
sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang
ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15
Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may
pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y
nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Kaya nga,
ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at
ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang
nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si Elias ay isang tao na
tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi
nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At nang siya'y
nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga
halaman.
19
Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa
namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito ang tandaan ninyo: sinumang
makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay
nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming
kasalanan.
No comments:
Post a Comment