THEME: "MAPAGKATIWALAAN SA YAMAN NG MUNDONG ITO"
"IBAHAGI ANG YAMAN NG MUNDO
MULA SA KARAPATAN"
"Ang
paghahari ng Diyos ay maiitulad dito; maglalakbay ang isang tao kaya't
tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala niya ang kanyang
ari-arian. Binigyna niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang
kakayanan. Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga
aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng 5,000.
Wika niya 'Panginoon heto ang 5,000 na bigay ninyo sakin. Heto pa po
ang 5,000 na tinubo ko. Sinabi sa kanya ng Panginoon, Magaling! Tapat
at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa mabuting halaga,
pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan. "
"At
lumapit naman ang tumanggap ng 1,000 . ' Alam ko pong kaypy'y mahigpit,
' aniya; 'gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nagaani sa hindi
ninyo hinasikan. Natakot po ako. kaya't itinago ko sa lupa ang inyong
salapi. Heto na po ang 1,000 ninyo. Masama at tamad na alipin! tugon
ng kanyang panginoon. 'Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko
tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo nilagak iyan
sa bangko, d i sana'y mayroon akong nakuhang tubo ngayon? Kunin ninyo
sa kanya ang 1,000 at ibigay sa may 10,000. Sapagkat ang maryoon ay
bibigyan pa, at mananaga; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa
kanya ay kukunin pa.. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping
walang kabuluhan. Doo'y tatangis siya at mangangalit ang kanyang
ngipin.'" Mateo 25:14-15, 19-21, 24-30
"Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan
din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya din
sa malaking bagay. Kung hindi kayo mapapagkatiwalaan ng kayamanan ng
sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At
kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang
magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo. " Lucas 16:10-12
"Pagsikapan
ninyong mamuhay nang tahimik. Ang iyong harapin ay ang sarili ninyong
gawain. Magpagal kayo para sa inyong ikakabuhay tulad ng sinabi namin
sa inyo. Sa gayon igagalang kayo ng mga hindi pa kumikilala sa ating
Panginoon Bukod ito, hindi ninyo iaasa sa iba ang inyong ikabubuhay."
1Tesalonica 4:11-12
"At
nagsama sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang
ari arian. Ipinagbili nila ito at ang pinagbilhan ay ipinamahagi sa
lahat aypm sa pangangailangan ng bawa't isa." Gawa 2:44-45
"ito
ang sinasabi ko sa inyo: ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa
inyong buhay at huwag ninyong sundin ang pita ng laman." Galacia 5:16
Mateo
Chapter 25:14-30
Ang Talinghaga Tungkol sa mga Aliping
Pinagkakatiwalaan ng Salapi
25 14 “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay.
Kaya't tinawag niya ang kanyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila
ang kanyang ari-arian. 15 Binigyan niya ng salaping ginto ang bawat isa
ayon sa kanilang kakayahan. Binigyan niya ang isa ng limanlibong
salaping ginto, ang isa nama'y dalawang libong salaping ginto, at ang
isa pa ay isanlibong salaping ginto. Pagkatapos nito, siya'y umalis. 16
Kumilos agad ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at
ipinangalakal iyon. Kumita siya ng limanlibong salaping ginto. 17
Gayundin naman, ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto ay
kumita pa ng dalawang libong salaping ginto. 18 Ngunit ang tumanggap ng
isanlibong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping
ginto ng kanyang panginoon.
19
“Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga tauhang
iyon at sila'y pinag-ulat. 20 Lumapit ang tumanggap ng limanlibong
salaping ginto at sinabi, ‘Panginoon, ito po ang limanlibong salaping
ginto na iniwan ninyo sa akin. Heto naman po ang limanlibong salaping
ginto na tinubo nito.’ 21 “Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling!
Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan.
Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng
malaking halaga.’ 22 “Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libong
salaping ginto at ang sabi, ‘Panginoon, ito po ang iniwan ninyo sa aking
dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong
salaping ginto na tinubo nito.’ 23 “Sinabi ng kanyang panginoon,
‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting
halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Samahan mo ako sa
aking kagalakan!’ 24 “Lumapit naman ang tumanggap ng isanlibong salaping
ginto at sinabi, ‘Alam ko pong kayo'y mahigpit at pinipitas ninyo ang
bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik.
25 Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto.
Heto na po ang inyong salapi.’ 26 “Sumagot ang kanyang panginoon,
‘Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang pinipitas ko ang bunga ng
hindi ko itinanim at inaani ko ang hindi ko inihasik, 27 bakit hindi mo
na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo
sana ito! 28 Kunin ninyo sa kanya ang isanlibong salaping ginto at
ibigay sa may sampung libong salaping ginto. 29 Sapagkat ang mayroon ay
bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana; ngunit ang wala, pati ang
kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30 Itapon ninyo sa kadiliman sa
labas ang walang silbing taong iyan! Doo'y mananangis siya at
magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”
Lucas
Chapter 16:1-13
Ang Talinghaga Tingkol sa
Tusong Katiwala
16 1 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na
may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang
kanyang ari-arian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong,
‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat ng
iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3
Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na
ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa;
nahihiya naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis
man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang
tahanan.’ 5 Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang
amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6
Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang langis po.’ Kaya sabi ng katiwala,
‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo,
gawin mong limampu.’ 7 At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang
utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan
ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8 Pinuri ng
amo ang madayang katiwala dahil sa katusuhang ipinamalas nito. Sapagkat
ang mga makasanlibutan ay mas tuso kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng
mga bagay ng mundong ito.” 9 At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita,
“Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito
sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay
tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang
mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa
malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa
malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga
kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na
kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba,
sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo? 13 “Walang aliping
maaaring maglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang
isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at
hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa
kayamanan.”
1Tesalonica
Chapter 4:1-12
Buhay na Nakalulugod
sa Diyos
4
1 Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at
ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa
ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, sang-ayon sa inyong
natutunan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos. 2 Alam
naman ninyo kung ano ang mga katuruang ibinigay namin sa inyo buhat sa
Panginoong Jesus. 3 Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at lumayo
sa lahat ng uri ng kahalayan. 4 Dapat maging banal at marangal ang
pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa, 5 at hindi upang masunod
lamang ang pagnanasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil na hindi
nakakakilala sa Diyos. 6 Sa bagay na ito, huwag ninyong gawan ng masama
at dayain ang inyong kapatid, sapagkat paparusahan ng Panginoon ang
gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng mahigpit naming babala sa inyo
noon. 7 Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa
kahalayan. 8 Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak,
hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang
Espiritu Santo.
9
Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid, hindi na
kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung
paano kayo magmahalan. 10 At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga
kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa
inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig. 11
Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pag-ukulan ninyo ng pansin ang
sariling gawain at hindi ang sa iba. Maghanapbuhay kayo tulad ng itinuro
namin sa inyo. 12 Dahil dito, igagalang kayo ng mga hindi
mananampalataya at hindi na ninyo kailangang umasa sa iba.
Gawa
Chapter 2:43-47
Ang Pamumuhay ng mga
Sumasampataya
2
43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang ginagawa sa pamamagitan ng
mga apostol [sa Jerusalem], naghari sa lahat ang takot. 44 Nagsama-sama
ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring
na para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang
napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan.
46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng
tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban.
47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At
bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.
Galacia
Chapter 5:16-26
Ang Espiritu Santo at
Kalikasan ng Tao
5
16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu at hindi ninyo
pagbibigyan ang mga pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat ang mga pagnanasa ng
laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu
ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya
napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin. 18 Kung
pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.
19
Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, kahalayan at
kalaswaan; 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot,
pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi
at pagkakabaha-bahagi, 21 pagkainggit, [pagpatay] paglalasing, walang
habas na pagsasaya, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan:
ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng
Diyos.
22
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan,
pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, 23 kahinahunan, at
pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito. 24 At ipinako na
sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang laman at ang
masasamang hilig nito. 25 Kung binigyan tayo ng buhay ng Espiritu,
mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu. 26 Huwag tayong maging palalo, huwag
nating galitin ang isa't isa, at huwag rin tayong mainggit sa isa't isa.
No comments:
Post a Comment