8
12 Muling nagsalita si Jesus sa mga tao. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng
sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang
buhay at di na lalakad sa kadiliman.” 13 Sinabi sa kanya ng mga Pariseo,
“Ikaw lang ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; walang katotohanan
ang ganyang patotoo.” 14 Sumagot si Jesus, “Kung nagpapatotoo man ako
tungkol sa aking sarili, totoo ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung
saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam
ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan. 15 Humahatol kayo ayon
sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman. 16 At
humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi ako nag-iisa sa
aking paghatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. 17
Nasusulat sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang
saksi. 18 Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin
ang Ama na nagsugo sa akin.” 19 Siya'y tinanong nila, “Nasaan ang iyong
ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo
kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.” 20
Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa may lalagyan
ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa
dumating ang kanyang takdang oras.
Efeso
Chapter 5:1-20
Mamuhay bilang mga
Taong Naliwanagan
5 1 Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. 2
Mamuhay kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang
pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay
at handog sa Diyos.
3
Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang
na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o
pag-iimbot. 4 Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang
kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip,
magpasalamat kayo sa Diyos. 5 Alam ninyong walang bahagi sa kaharian ni
Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim. Ang kasakiman
ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan.
6
Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang
walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot
sa mga suwail. 7 Kaya't huwag kayong makisama sa kanila. 8 Dati, kayo'y
nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa
Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa
liwanag. 9 Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng
namumuhay sa liwanag. 10 Sikapin ninyong matutunan kung ano ang
kalugud-lugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng
kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang
mga iyon. 12 Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na
ginagawa nila nang lihim. 13 Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay
nakikilala kung ano talaga ang mga iyon,
14
at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising
ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka
ni Cristo.” 15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay
kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Gamitin ninyo
nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng
kasamaan ang kasalukuyang panahon. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa
halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18
Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong
buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. 19 Sa inyong
pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting
espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi
kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa
pangalan ng ating Panginoong Jesu-Crist
2Tesalonica
Chapter 2:1-12
Ang Suwail
2 1 Mga kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong
Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap
kami sa inyo 2 na huwag agad magugulo ang inyong isipan o mababahala
kung mabalitaan ninyong dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong
maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o
isinulat namin. 3 Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan.
Hindi darating ang Araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling
paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail na itinakda sa
kapahamakan. 4 Itataas niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat
ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng
Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos. 5 Hindi ba ninyo natatandaan?
Sinabi ko na ito sa inyo nang ako'y kasama pa ninyo. 6 Hindi pa nga
lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano
iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon. 7 Ngayon pa man
ay gumagawa na ang hiwaga ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di
naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, 8
malalantad na ang Suwail. Ngunit pagdating ng Panginoong [Jesus],
papatayin niya ang Suwail. Bubugahan niya ito ng hininga mula sa kanyang
bibig at pupuksain sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag. 9
Paglitaw ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa
siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. 10
Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak dahil ayaw
nilang mahalin ang katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila. 11
Dahil dito, hahayaan ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng
kamalian at maniwala sa kasinungalingan. 12 Sa gayon, mapaparusahan ang
lahat ng natuwa sa paggawa ng kasamaan sa halip na maniwala sa
katotohanan.
1Tesalonica
Chapter 5:12-28
Pangwakas na Tagbilin at Pagbati
5 12 Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga
nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa
Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig
dahil sa kanilang gawain. Makitungo kayo sa isa't isa nang may
kapayapaan.
14
Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga
tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina.
Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Huwag ninyong paghigantihan
ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng
mabuti sa isa't isa at sa lahat.
16
Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat
kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng
Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
19
Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. 20 Huwag ninyong
baleiwalain ang anumang pahayag mula sa Diyos. 21 Suriin ninyo ang lahat
ng bagay at panghawakan ang mabuti. 22 Lumayo kayo sa lahat ng uri ng
kasamaan.
23
Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng
kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo
ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa
pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo,
at gagawin niya ito. 25 Mga kapatid, ipanalangin din ninyo kami. 26
Batiin ninyo ang lahat ng mga mananampalataya bilang mga minamahal na
kapatid kay Cristo. 27 Inaatasan ko kayo sa pangalan ng Panginoon na
basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga kapatid. 28 Sumainyo nawa ang
kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Colosas
Chapter 3:5-17
Ang Dati at Bagong Buhay
3 1 Yamang binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang
inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo,
na nakaupo sa kanan ng Diyos. 2 Ang mga bagay na panlangit ang isaisip
ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, 3 sapagkat namatay na kayo at ang
inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang
inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama
niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian. 5 Kaya't patayin na ninyo
ang mga pagnanasang makamundo: ang pakikiapid, karumihan, mahalay na
simbuyo ng damdamin, masamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri
ng pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng
Diyos [ang mga taong ayaw pasakop sa kanya]. 7 Kayo man ay namuhay din
ayon sa mga pagnanasang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.
8
Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng
loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. 9 Huwag
kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati
ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. 10 Isinuot ninyo ang bagong
pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na
lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. 11 Kaya't sa
kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli
at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang
malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa
inyong lahat.
12
Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para
sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba,
mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya kayo sa isa't isa. Kung may
hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo
ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na
siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo
sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang
dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong
lagi. 16 Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa
inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong
karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga
awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang
inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng
Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos
Ama. 18
2Tesalonica
Chapter 2:13-17
Hinirang Upang Iligtas
13
Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dapat kaming magpasalamat palagi
sa Diyos dahil sa inyo. Kabilang kayo sa mga unang pinili niya upang
pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng inyong
pananalig sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng
Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa
kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid,
magpakatatag kayo at panghawakan ninyo ang mga katuruang ipinasa namin
sa inyo, sa pamamagitan man ng aming sinabi o isinulat.
16
Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ng ating
Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay
nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at magandang pag-asa. 17
Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban para sa lahat ng mabuting gawa
at salita.
No comments:
Post a Comment