Mateo
Chapter 6:5-14
Ang Turo tungkol sa Panalangin
6
5 “Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari.
Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto
upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang
gantimpala. 6 Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at
isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo
nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang
siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
7
“Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang
walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y
papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag
ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong
kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya.
9 Ganito kayo mananalangin,
‘Ama
naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan. 10 Dumating nawa
ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad
ng sa langit. 11 Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw; 12 at
patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa
mga nagkakasala sa amin. 13 At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi
iligtas mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian, at ang
kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.]’
14 “Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit.
Lucas
Chapter 5:27-32
Ang Pagtawag kay Levi
5 27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang
maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya
ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat,
at sumunod kay Jesus. 29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang
malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming
maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't nagbulung-bulungan
ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan.
Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na
kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” 31 Sinagot
sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit
kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid,
kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”
Roma
Chapter 13:1-7
Tungkulin sa mga
Pinuno ng Bayan
13 1 Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan,
sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang
nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. 2 Kaya nga, ang lumalaban sa
pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila'y nararapat sa
parusa. 3 Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng
mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw
mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka
nila. 4 Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung
gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may
kapangyarihang magparusa. Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa
mga gumagawa ng masama. 5 Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila,
hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa
inyong budhi.
6
Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga
pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang
tungkulin. 7 Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad
kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan;
igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat
parangalan.
Lucas
Chapter 18:1-8
Ang Talinghaga Tungkol sa
Babaing Balo at sa Hukom
18 1 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na
dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi
niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at
walang iginagalang na tao. 3 Sa lungsod ding iyon ay may isang biyuda.
Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng
katarungan sa aking usapin.’ 4 Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng
mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili,
‘Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5
ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi
niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’” 6
At nagpatuloy ang Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang
hukom na iyon. 7 Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa
kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y
paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang
ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao,
may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?”
Juan
Chapter 3:1-21
Si Jesu at Nicodemo
3 1 May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio.
2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po
naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang
makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.” 3
Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak
na muli ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.” 4
“Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok
pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong
ni Nicodemo. 5 Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito:
malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng
Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang taong
ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay
espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay
kailangang ipanganak na muli.’ 8 Umiihip ang hangin kung saan nito nais
at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito
nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa
Espiritu.” 9 “Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo. 10 Sumagot
si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay
na ito? 11 Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at
ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo
tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang
mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo
mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13
Wala pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit,
ang Anak ng Tao.”
14
At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang,
gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang
sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16
Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't
ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang
sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na
walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang
hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan
niya.
18
Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit
hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya
sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng
Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang
dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20
Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit
dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay
ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga
ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.
Efeso
Chapter 6:10-20
Ang Baluting Kaloob ng Diyos
6
10 Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa
Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang buong
kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga
pakana ng diyablo. 12 Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao,
kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng
kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng
kasamaan sa himpapawid. 13 Kaya't gamitin ninyo ang kasuotang pandigma
na mula sa Diyos. Sa gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating
ng araw na sumalakay ang masama, upang pagkatapos ng labanan ay matatag
pa rin kayong nakatayo.
14
Kaya't maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng
katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; 15 isuot ninyo
ang sapatos ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng
kapayapaan. 16 Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na
siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. 17 Isuot
ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na
walang iba kundi ang Salita ng Diyos. 18 Manalangin kayo sa lahat ng
pagkakataon, humiling at sumamo sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong
maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos.
19 Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang
buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito. 20
Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y isinugo, at ngayo'y nakabilanggo.
Kaya't ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng
nararapat.
Efeso
Chapter 4:1-16
Ang Pagkakaisa sa Espiritu
4
1 Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa
inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. 2 Kayo'y
maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa
inyong pagmamahal sa isa't isa. 3 Sikapin ninyong mapanatili ang
pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod
sa inyo. 4 May iisang katawan at iisang Espiritu, kung paanong may
iisang pag-asa na para doon kayo'y tinawag ng Diyos. 5 May iisang
Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, 6 iisang Diyos at
Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at
nananatili sa lahat.
7
Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na
ibinigay ni Cristo. 8 Ganito ang sinasabi ng kasulatan: “Nang umakyat
siya sa kalangitan, nagdala siya ng maraming bihag, at nagbigay ng mga
kaloob sa mga tao.”
9
Anong ibig sabihin ng “umakyat siya”? Ang ibig sabihin niyan ay bumabâ
muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa. 10 Ang bumabâ ay siya rin
namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang
presensya ang buong sangnilikha. 11 At binigyan niya ang ilan ng kaloob
upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y mga
ebanghelista, at ang iba'y mga pastor at mga guro. 12 Ginawa niya ito
upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging
matatag ang katawan ni Cristo, 13 hanggang makarating tayo sa pagkakaisa
ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang
ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14 Nang sa gayon,
hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng
sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay
dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at
panlilinlang. 15 Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan
sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na
siyang ulo nating lahat. 16 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay
pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung
maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan
at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.
No comments:
Post a Comment