15
1 “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. 2
Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang
pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa
nang lalong sagana. 3 Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi
ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi
magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi
kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
5 “Ako ang
puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa
kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa
kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Ang hindi nananatili sa akin, gaya ng
sanga ay itinatapon at natutuyo. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon,
inihahagis sa apoy at nasusunog. 7 Kung nananatili kayo sa akin at
nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais
ninyo at matutupad iyon para sa inyo. 8 Napaparangalan ang aking Ama
kung kayo'y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo'y magiging mga alagad
ko. 9 Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo;
manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga
utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga
utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
11
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan
ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan. 12 Ito ang aking
utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Ang
pinakadakilang pag-ibig na maaaring taglayin ng sinuman para sa kanyang
mga kaibigan ay ang ialay ang kanyang buhay para sa kanila. 14 Kayo'y
mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na
kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang
ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga
kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking
Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin, ako ang pumili sa inyo. Hinirang
ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Sa
gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ay ibibigay
sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”
Roma
Chapter 12:1-21
Pamumuha Cristiano
12
1 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa
atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang
isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang
karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. 2 Huwag kayong makiayon sa
takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang
inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon,
magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban
ng Diyos.
3
Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa
inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa
nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong
katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa
bawat isa sa inyo. 4 Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming
bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, 5 gayundin naman, kahit na
tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat
ay bahagi ng isa't isa. 6 Tumanggap tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa
kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan.
Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos,
magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. 7 Kung
paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng
kaloob sa pagtuturo. 8 Magpalakas ng loob ang may kaloob sa
pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo
nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung
pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak. 9
Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at
pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at
pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11
Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa
Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa
inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa
pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang
lugar.
14
Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag
sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga
tumatangis. 16 Magkaisa kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa
halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha. Huwag ninyong ipalagay na
kayo'y napakarunong.
17
Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay
nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin
ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng
sinuman 19 Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon
sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang
gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip, “Kung nagugutom ang iyong
kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton
ka ng mga baga sa kanyang ulo.” 21 Huwag kayong magpadaig sa masama,
kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.
1Corinto
Chapter 13:1-13
Ang Pag-ibig
13 1 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel,
kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang
umaalingawngaw o pompiyang na maingay. 2 Kung ako man ay may kakayahang
magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung
nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't
nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig,
wala akong kabuluhan. 3 At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga
ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman
akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
4
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi
mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang pag-uugali, hindi
makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. 6
Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. 7
Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga
hanggang wakas.
8
Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil
rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang
kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. 9 Hindi pa ganap ang
ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng
mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang
di-ganap.
11
Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang
tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko
na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila
malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay
makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon,
ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos
na pagkakilala niya sa akin.
13
Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at
pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
1Juan
Chapter 3:11-18
Mag-ibigan Tayo
3
11 Ito ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12
Huwag tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang
kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit
matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.
13
Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng
sanlibutan. 14 Nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa
kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay
nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang
kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa
mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo
ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating
buhay para sa mga kapatid. 17 Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang
kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong,
masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? 18 Mga anak, huwag tayong
magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa
pamamagitan ng gawa.
1Juan
Chapter 4:7-21
Ang Diyos ay Pag-ibig
4
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig.
Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. 8 Ang hindi
umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9
Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo
ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa
pamamagitan niya. 10 Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos,
kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging
handog para mapatawad ang ating mga kasalanan.
11
Mga minamahal, kung ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin,
dapat din tayong magmahalan. 12 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa
Diyos, ngunit kung tayo'y nagmamahalan, nasa atin ang Diyos at nagiging
ganap sa atin ang kanyang pag-ibig. 13 Nalalaman nating nananatili tayo
sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng
kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at pinapatotohanang isinugo ng Ama ang
kanyang Anak upang iligtas ang sanlibutan. 15 Ang nagpapahayag na si
Jesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama'y
nananatili sa kanya. 16 Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at
lubos tayong nananalig sa katotohanang ito.
Ang
Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos,
at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. 17 Ang pag-ibig ay nagiging
ganap sa atin kaya't panatag ang ating kalooban para sa Araw ng
Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang
ito. 18 Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na
pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang
natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
19
Tayo'y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. 20 Ang
nagsasabing “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang
kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi
niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya
nakikita? 21 Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa
Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid.
THE WISDOM BOOKS AND
Awit
Chapter 36:1-12
Human Wickedness and
Divine Providence
36
1 Ang pagsalangsang ng masama ay nagsasabi sa loob ng aking puso:
walang takot sa Dios sa harap ng kaniyang mga mata. 2 Sapagka't siya'y
nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata, na ang kaniyang kasamaan ay
hindi masusumpungan at pagtataniman. 3 Ang mga salita ng kaniyang bibig
ay kasamaan at karayaan: iniwan niya ang pagkapantas at paggawa ng
mabuti. 4 Siya'y kumakatha ng kasamaan sa kaniyang higaan; siya'y
lumagay sa isang daan na hindi mabuti; hindi niya kinayayamutan ang
kasamaan. 5 Ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay nasa mga
langit: ang iyong pagtatapat ay umaabot hanggang sa langit.
6
Ang iyong katuwiran ay gaya ng mga bundok ng Dios: ang iyong mga
kahatulan ay dakilang kalaliman: Oh Panginoon, iyong iniingatan ang tao
at hayop. 7 Napaka mahalaga ng iyong kagandahang-loob, Oh Dios! At ang
mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa ilalim ng iyong mga pakpak. 8
Sila'y nangabubusog ng sagana ng katabaan ng iyong bahay; at iyong
paiinumin sila sa ilog ng iyong kaluguran. 9 Sapagka't nasa iyo ang
bukal ng buhay: sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag. 10 Oh,
ilagi mo nawa ang iyong kagandahang-loob sa kanila na nangakakakilala sa
iyo: at ang iyong katuwiran sa matuwid sa puso. 11 Huwag nawang
dumating laban sa akin ang paa ng kapalaluan, at huwag nawa akong itaboy
ng kamay ng masama. 12 Doo'y nangabuwal ang mga manggagawa ng kasamaan:
sila'y nangalugmok at hindi makakatindig.
FOR OUR SPIRITUAL BELIEF IN LIFE
-------------------------------------------------------------------------
No comments:
Post a Comment